
Dapat umanong magkaroon ng ordinansa ang lahat ng lokal na pamahalaan sa buong bansa na may mabigat na multa at pagkakakulong para sa mga mahuhuling prank caller ng emergency 911.
Ito ang inihayag ni Interior Secretary Jonvic Remulla dalawang linggo bago ang rollout ng nationwide unified emergency 911 system.
Ayon kay Remulla, dapat may monetary fine at jail time para sa mga prank caller upang mapigilan ang mga ito na gamitin ang emergency line para sa kanilang mga kalokohan.
Sa ilalim ng bagong sistema ng emergency 911, magkakaroon ng tracking capabilities, mayroon itong tinatawag na may geofence at geo data upang mabilis na matukoy at mahuhuli ang mga prank caller.
Sa ilalim ng umiiral na Presidential Decree 1727, ang sinumang mapatunayang nagpapakalat ng maling impormasyon ay maaaring makulong ng hanggang 5 taon at multang aabot sa 40-libong piso.
Ang pagpapabuti ng sistema ng emergency 911 ay bahagi ng mas malaking hakbang ng administrasyong marcos para sa mas mabilis na response time ng pulisya sa anumang emergency situation at matiyak ang kaligtasan ng publiko









