Kasunod ng pagkabuo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, hinikayat ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang 81 probinsiya sa buong bansa na organisahin ang kanilang sariling task force upang tuldukan ang local insurgency sa kanilang lokalidad.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang tatayong chairperson ng National Task Force.
Aniya, marapat lamang na magpakita ng aktibo at determinadong aksyon ang mga gobernador na tapatan ang ginagawang panlalason sa isip ng publiko ng komunistang grupo.
Sinabi ni Año na ang mga lokal na opisyal ang nakakaalam ng mga isyung pang ekonomiya at pang hustisya sa kanilang mga lugar na ginagamit ng NPA para manghikayat para magrebelde sa gobyerno.
Aniya, umaasa ang Pangulo na tutulong ang mga gobernador na magamit ng husto ang mga rekurso at programa ng national government patungo sa provincial level para solusyunan ang mga problema na ugat ng insurgency.
Pinuri ng DILG secretary ang probinsiya ng Cavite na kauna-unahan na kumasa sa hamon sa pamamagitan ng pagbuo ng kanilang Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict.
Gayundin, gumawa na rin ng katulad na hakbang ang Calabarzon.