Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Metro Manila mayors na magpatupad ng magkakaparehong curfew hour sa harap ng muling pagsipa ng COVID-19 cases.
Sinabi ni DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya na nalilito ang mga tao partikular ang mga nagtatrabaho sa ibang mga lokalidad sa magkakaibang curfew hour na ipinatutupad.
Sa nakalipas na tatlong araw, naobserbahan ng DILG na may naitatalang 3,000 na COVID-19 kada araw.
Ipinauubaya ni Malaya sa mga alkalde sa Metro Manila ang pagpapasya, pero ang mungkahi niya ay gawin itong alas-10:00 ng gabi.
Giit ni Malaya, mahigpit na ipatupad ang pagsusuot ng face masks at face shields at ang physical distancing at parusahan ang violators alinsunod sa ipinaiiral nilang ordinansa.
Iniutos din ng DILG ang deployment ng additional contact tracers sa mga lugar na may naitatalang mataas na kaso ng virus upang tumulong sa pagtukoy sa close contacts.
Sinabi pa ni Malaya na may kapangyarihan ngayon ang Local Government Units (LGUs) na tumukoy sa mga lugar na isasailalim sa localized lockdown.