Ikinagalit ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagsingit ng aktor na si Mark Anthony Fernandez sa COVID-19 vaccination program.
Si Fernandez ay naturukan ng libreng AstraZeneca vaccines mula sa Parañaque City Government habang inuuna ng gobyerno na mabakunahan ang mga health care workers na una sa priority list.
Ayon kay DILG Undersecretary Epimaco Densing, napikon siya dahil may artistang binakunahan at sumingit sa immunization campaign ng gobyerno.
Iginiit ni Densing na may sinusunod na listahan ang gobyerno at dapat lamang na sundin ito ng publiko lalo na at ito ang rekomendasyon ng World Health Organization (WHO).
Ang ginawang pagpapabakuna kay Fernandez ay patunay lamang na mahina ang pagpapatupad ng vaccination protocols sa lokal na pamahalaan ng Parañaque.
Ipinagtanggol ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez ang pagbibigay nila ng anti-COVID vaccine sa aktor at iginiit na mayroon siyang hypertension at depression kaya isinama nila siya sa priority list.