Thursday, January 15, 2026

DILG, ikinokonsiderang maglabas ng ₱10-M pabuya para sa makakapagturo sa kinaroroonan ni Charlie “Atong” Ang; kamag-anak ng nawawalang sabungero, tiniyak na hindi titigil hangga’t walang hustisya

Posibleng maglabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng ₱10-million na pabuya para sa makakapagturo sa kinaroroonan ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang.

Ito ay kasunod ng paglalabas ng warrant of arrest laban kay Ang kaugnay ng kaso ng missing sabungeros.

Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, posibleng pormal na ianunsiyo ang naturang reward mamayang hapon.

Layon umano nito na mapilitan nang sumuko si Ang na hanggang ngayon ay hindi pa naaaresto, sa kabila ng pagsisilbi ng mga otoridad ng warrant of arrest sa mga tinutuluyang tirahan nito.

Sinabi ni Remulla na batay sa pinakahuling monitoring ng ahensiya, nasa Pilipinas pa si Ang at nakatuon ang operasyon ng mga awtoridad sa Luzon area.

Ikinokonsidera rin ng kalihim si Ang na armado at mapanganib, batay sa mga alegasyon laban dito na may kaugnayan sa pagpatay umano sa daan-daang indibidwal at sa pagkakaroon nito ng maraming bodyguard.

Gayunman, tiniyak ni Remulla na nakahanda ang mga awtoridad sakaling manlaban si Ang sa oras ng kanyang pag-aresto.

Samantala, una nang sinabi ng kapatid ng isa sa mga nawawalang sabungero na hindi pa rin sila nagpapakampante hangga’t hindi nahuhuli ang itinuturong utak sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero.

Ayon kay Charlene Lasco, kapatid ni Ricardo “Jon-Jon” Lasco, patuloy silang lalaban at hindi titigil hangga’t hindi nakakamit ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungero ang hustisya.

Facebook Comments