Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Local Government Units (LGUs), ang Philippine National Police (PNP), at ang Bureau of Fire Protection (BFP) na suportahan ang Balik-Eskwela ng Department of Education (DepEd) sa Martes, August 29, 2023.
Sa isang memorandum, hinikayat ni Interior Secretary Benhur Abalos ang mga LGU na pangunahan ang pagpapatupad ng Bantay Peligro upang matiyak na magkakaroon ng ligtas at mapayapang kapaligiran sa pagbubukas ng klase.
Ani Abalos, dapat nang paganahin ang mga Local Peace and Order Council (LPOC) para sa action planning tulad ng pagtukoy sa potential risk and hazards sa school zones.
Pinagde-deploy rin ang LGUs ng law and traffic enforcers, barangay tanod, medical personnel at force multipliers.
Pinaglalagay rin ang mga ito ng close-circuit television (CCTVs) cameras sa school zones upang ma-monitor ang sitwasyon.
Inatasan din ng kalihim ang PNP na makipag-coordinate sa LGUs para sa pagdaragdag ng ipapakalat na pulis sa school premises at sa pagtatatag ng police help desks.
Pinaghahanda naman ang BFP ng tulong sakaling magkaroon ng emergency situations patungkol sa public safety concerns.