Hinikayat ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang lahat ng Local Government Units (LGU) na pangunahan ang information drive sa kanilang mga constituent tungkol sa pagpaparehistro ng SIM cards simula sa Disyembre 27.
Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos na kailangang maipaliwanag ng husto ang kahalagahan ng batas na Republic Act No. 11934 o Subscriber Identity Module (SIM) Registration Act sa mga mobile subscriber mula sa grassroots level.
Aniya, ang SIM Registration Act ay makatutulong sa Philippine National Police (PNP) at iba pang awtoridad sa pagpapatupad ng batas sa pagsugpo sa kriminal na aktibidad.
Umapela rin si Abalos sa publiko na suportahan ang SIM card mandatory registration.
Binalaan nito ang mga taong manloloko at magbibigay ng mali o kathang-isip na impormasyon at mga dokumento sa pagpaparehistro ng SIM card.
Aniya, maaari silang maparusang makulong ng anim na buwan hanggang dalawang taon at multang ₱100,000 hanggang ₱300,000 habang ang panggagaya ay sasailalim sa anim na taong pagkakakulong at multang ₱200,000.