Inatasan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary “Benhur” Abalos Jr., ang mga Local Government Units (LGUs) na agarang resolbahin ang 1.4 milyong backlogs sa pag-encode ng VaxCertPH.
Ang VaxCertPH ay ang official digital vaccination certificate program ng pamahalaan, sa Vaccination Information Management System (VIMS).
Batay sa datos, hanggang noong Setyembre 22, ang VIMS, na siyang official central database ng VaxCertPH, ay mayroong backlog na kabuuang 1,460,582 vaccination records ng mga mamamayan.
Sinabi ni Abalos na sa naturang bilang, 334,317 ang nawawalang record.
Nasa 308,386 ang hindi nairekord dahil sa kakulangan ng manpower.
243,300 ang dahil sa late submission.
122,897 ang dahil sa incomplete data.
109,806 ang dahil sa missing data fields.
94,575 ang dahil sa operational at procedural issues at, 75,831 ang dahil sa isyu ng internet connections.
Binigyang-diin pa ng DILG chief na ngayong ang VaxCertPH ay kabilang na sa itinuturing na most widely recognized vaccination certificates sa buong mundo, dapat na tiyakin ng mga LGU na updated ang digital records sa kanilang vaccinated constituents.
Nauna nang nag-isyu ang DILG ng memorandum kung saan pinapaalalahanan ni Abalos ang lahat ng local chief executives (LCEs) at LGU VaxCertPH focal persons na ang vaccine records ng lahat ng vaccinated individuals ay dapat na ma-upload sa VIMS sa araw mismo ng inokulasyon o pagbabakuna sa isang indibidwal.