Manila, Philippines – Ipinag-utos na ni DILG Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police (PNP) na maging transparent at iwasang magkaroon ng “whitewash’ sa imbestigasyon ng pagkamatay ng isang PMA cadet dahil sa hazing.
Kailangang mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ni PMA Cadet Darwin Dormitorio at hindi na panahon para pagtakpan ang kaso.
Sinumang may kagagawan nito ay kailangang mapanagot sa batas.
Nirerespeto din ni Año ang desisyon ni PMA Superintendent Lt. Gen. Ronnie Evagelista na nagbitiw sa kanyang puwesto kasunod ng pagkamatay ni Dormitorio.
Inatasan na ni Año si Baguio City Police Station Chief P/Colonel Allan Rae Co na panagutin ang lahat ng kasangkot at kasuhan ng kriminal at administratibo.
Sinabi pa ng DILG chief na panahon na ring magkaroon ng pagbabago sa sistema ng Philippine Military Academy (PMA).
Kailangan aniyang gawin ito para hindi na maulit na mangyari ang ganitong trahedya sa loob ng PMA.