Inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Philippine National Police (PNP) na maglagay ng mga help desk sa lahat ng police stations sa buong bansa.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, layon nito na matulungan ang mga locally stranded individual at returning Overseas Filipino Workers (OFWs) sa panahon ng COVID-19 pandemic.
Paliwanag ni Año na ipoproseso ng help desks sa mga munisipyo, lungsod, probinsya at PNP regional offices ang mga aplikasyon para sa travel authority mula sa mga taong gusto nang makabalik sa kanilang tirahan matapos ma-stranded sa iba’t ibang lugar dahil sa community quarantine.
Dagdag pa ng kalihim, ang paglikha ng mga help desk ay nakasaad sa operational guidelines tungkol sa pangangasiwa sa locally stranded individuals at returning OFWs na inisyu ng National Task Force (NTF) laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Año, dapat kumuha ng medical certificate ang isang stranded na indibidwal mula sa Municipal o City Health Office at travel authority mula sa PNP bago siya payagang maglakbay.
Giit pa ng kalihim na ang mga taong may medical certificate lamang mula sa Local Government Unit (LGU) ang maaaring mag-apply para sa isang travel authority sa PNP help desks.