Agad na tatalima ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hulihin ang mga lumalabag sa health protocols na ipinapatupad ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, inatasan na niya ang Philippine National Police (PNP) na gawin ang mga pag-aresto na naaayon sa batas at lokal na ordinansa.
Bibigyan ng warning ang violators at aatasang magsuot ng ng face mask at face shield sa wastong pamamaraan.
Kapag walang local ordinance, ang violators ay ikukulong sa loob ng 12 oras at palalayain kapag walang inihaing kaso alinsunod sa Revised Penal Code.
Ang PNP ay makikipag-coordinate sa barangay at Local Government Units (LGUs) para magamit ang mga pasilidad sa labas ng police stations para maiwasan ang mass gatherings.