Manila, Philippines – Iniutos na ng Office of the Ombudsman sa Department of Interior and Local Government (DILG) na isilbi na ang dismissal order laban kay Iloilo City Mayor Jed Patrick Mabilog.
Ito ay matapos pagtibayin ng Ombudsman ang desisyon na nagpapataw ng dismissal laban kay Mabilog dahil sa kasong“serious dishonesty relative to unlawful acquisition of wealth.”
Ang pagsibak sa puwesto kay Mabilog ay inaprubahan ni Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang noong Oktubre 6, 2017.
Ipinadala na rin ng Ombudsman sa DILG ang kopya ng naturang desisyon para sa implementation ng dismissal order.
Maliban sa pagsibak sa serbisyo bilang alkalde, hindi na maaring manungkulan si Mabilog sa alinmang tanggapan ng gobyerno at hindi na rin makakatanggap ng retirement benefits.
Nag-ugat ito sa kasong isinampa ni dating Iloilo provincial administrator Manuel Mejorada.
Noong 2015 nang sinampahan ni Mejorada ng kasong plunder, dishonesty, grave misconduct at perjury ang alkalde.
Batay sa complaint affidavit ni Mejorada, tumaas umano ng P54 million ang yaman ni Mabilog matapos itong naupong alkalde ng lungsod.
Kinuwestyon ni Mejorada ang pagkakaroon ng mga ari-arian ni Mabilog na hindi naman umano kayang bilhin kung ang sahod lang ng alkalde at ang kita nito sa pagiging negosyante ang pagbabatayan.
Kabilang na rito ang bahay ni Mabilog sa Barangay Tap-oc, Molo, Iloilo City na kamakailan lang ay tinawag ni Pangulong Rodrigo Duterte na mansion.
Nabigo raw si Mabilog na ideklara sa kaniyang SALN kung saan nanggaling ang mga yaman nito.