DILG, inirekomenda sa Ombudsman na patawan ng disciplinary actions ang 20 barangay officials dahil sa paglabag sa quarantine protocols

Inirekomenda na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Office of the Ombudsman ang pagpapataw ng disciplinary action laban sa 20 barangay officials sa Metro Manila dahil sa paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) protocols.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, hindi nila kukunsintehin ang mga pasaway na barangay official na lumalabag sa ECQ protocols.

Nagbabala ang kalihim na walang sasantuhin ang kagawaran at patuloy silang tatanggap ng reklamo.


Sa sulat na ipinadala ni DILG Undersecretary for Barangay Affairs Martin Diño kay Ombudsman Samuel Martires nitong June 16, pinadalhan ng show cause order ang 20 barangay officials para magpaliwanag o sagutin ang mga alegasyong ibinabato sa kanila.

Pero nakukulangan ang DILG sa sagot ng mga ito kaya nakitaan na nila ng sapat na ebidensya at ground na i-warrant ang kanilang endorsement sa Office of the Ombudsman.

Mula sa 20 punong barangay, lima ay mula sa Caloocan City, lima sa Quezon City, dalawa sa Parañaque City, at tig-isa sa mga lungsod ng Mandaluyong, Las Piñas, Manila, Makati, Pasay, Taguig, Marikina, at Muntinlupa.

Ang mga paglabag ay may kinalaman sa pagpapatupad ng physical distancing, illegal cockfighting, gambling, mahinang pagpapatupad ng lockdown protocols lalo na at maraming bata ang nakikita sa kalsada, gross neglect of duty at iba pa.

Pagtitiyak ng DILG na marami pang kaso ang ipapadala sa Ombudsman lalo na at nasa higit 100 barangay executives ang iniimbestigahan.

Facebook Comments