Ipinaaaresto na ni Interior Secretary Eduardo Año sa Philippine National Police ang mga nagpapakalat ng fake news hinggil sa 2019 Coronavirus.
Aniya, hindi siya mangingiming ipakulong ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon dahil inilalagay nito sa alanganin ang kaligtasan ng publiko.
Mismong nabiktima ng fake news ang Department of Interior and Local Government (DILG) ng kumalat sa social media ang infographic na umano’y mula sa ahensiya na naglalagay mandatory quarantine ng lahat ng mga pasahero sa 23 na bansa na mayroong nCoV cases.
Nagbabala pa si Año na ang PNP Anti-Cybercrime Group ay may kakayahan nang gumamit ng Information and Communications Technology upang tuntunin ang mga fake news perpetrators sa internet.
Sa ngayon ay mayroon ng anim na katao ang iniimbestigahan ng awtoridad dahil sa kanilang fake news posts hinggil sa Coronavirus sa social media.
Tinatrabaho na ng PNP-ACG ang naturang mga katao at asahang may maaaresto na sa susunod na mga araw.