Iniutos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) na imbestigahan ang Concerned Doctors and Citizens of the Philippines dahil sa inilunsad na “Flatten the Fear” event.
Ginawa ni DILG Secretary Eduardo Año ang kautusan matapos mabahala ang Department of Health (DOH) sa mass gathering ng grupo kung saan sinadya ng mga participant na hindi magsuot ng face mask.
Katwiran ng grupo, hindi na nila ito kailangang gawin dahil sa napalakas na nila ang kanilang resistensya.
Pinaiimbestigahan ng DILG Chief kung dapat managot ang mga nasa likod ng flatten the fear event dahil sa kanilang paglabag sa mga alituntunin sa panahon ng pandemya.
Sinabi ni Año, posibleng maghatid ito ng wrong signal sa publiko.
Aniya, ang idinaos na mass gathering at tahasang hindi pagsuot ng face mask ay lubhang delikado dahil inilalagay nito sa peligro hindi lamang ang kanilang sarili kundi pati na rin ang kani-kanilang mga pamilya.
Dagdag ng kalihim, kapag tuluyang tinanggal ang community quarantine na hindi pa lubos na napapababa ang mga kaso, maaaring magkaroon ng biglang pagdami ng kaso at hindi na naman kakayanin ng mga ospital ang biglang dami ng pasyente na aasikasuhin.
Mayroon pa aniyang 56,097 active cases sa bansa kaya apela niya sa publiko na ipatupad ang minimum health standards.