DILG, ipinaalalang bawal gamitin ang mga pasilidad at ari-arian ng gobyerno sa pangangampanya

Manila, Philippines – Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa lahat ng lokal na pamahalaan na huwag tapalan ng political campaign materials ang lahat ng pasilidad, ari-arian at sasakyang pagmamay-ari ng gobyerno.

Iginiit ni DILG Secretary Eduardo Año – hindi maaring gamitin ng mga kandidato ang government properties para sa kanilang pangangampanya.

Binanggit ng kalihim ang Section 261 ng Omnibus Election Code kung saan ipinagbabawal ang paggamit ng public funds, equipment, facilities na pagmamay-ari o kino-kontrol ng gobyerno sa anumang election campaign o partisan political activity.


Sinabi ni Año na kapag nabigo ang LGUs na tumalima rito ay agad silang isusumbong sa Commission on Elections (Comelec).

Bago ito, ipinagbawal na rin ng DILG ang mga opisyal at empleyado ng LGU sa pag-endorso at pagkampanya sa kahit sinumang kandidato sa nalalapit na midterm elections sa Mayo.

Facebook Comments