Idinipensa ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang ginagawang pag-iikot ng mga pulis sa iba’t ibang community pantries.
Aniya, papasok lang ang Pulisya sa eksena kung may mga paglabag na sa ipinatutupad na panuntunan at kung mayroong naghain ng reklamo laban dito.
Ayon kay Año, naglabas na ng pahayag ang PNP na nagsasabing walang utos na nanggagaling sa liderato nito para magsagawa ng gayung mga hakbang.
Binigyang-diin pa ng Kalihim, hindi na bago ang mga nagsulputang paminggalan sa masa o kung ano pang katawagan dito dahil matagal na itong ginagawa ng mga Pilipino para buhayin ang diwa ng Bayanihan.
Nararapat lamang hikayatin ang publiko ani Año na tularan ang ganitong magandang gawain basta’t hindi ito ginagamit bilang propaganda o ‘di kaya’y maging daan para sa pamumulitika.
Apela lang ni Año sa mga organizer, tiyakin lang na nasusunod ang minimum health protocols sa paglalatag ng mga paminggalan kontra COVID 19.