Ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa Philippine National Police (PNP) na pangalagaan ang lahat ng paparating na COVID-19 vaccine sa bansa.
Mahigpit ang tagubilin ng DILG na makipag-ugnayan ito sa Local Government Units (LGUs) upang matiyak na makakarating sa tamang tatanggap ang bakuna lalo na sa mga far-flung areas ng bansa.
Sinabi ni DILG Office-in-Charge at Undersecretary Bernardo Florece Jr., kailangan umano na mabantayan at maihatid ng pulisya ang COVID-19 vaccines hanggang sa kanilang destinasyon.
Ayon sa DILG, target ng gobyerno na pasimulan na sa February 15 ang pagbabakuna sa mga frontline healthcare workers na may paunang batch ng 117,000 doses ng vaccines mula sa Pfizer-BioNTech.
Bukod sa PNP, hiniling din ni Florece ang tulong at pakikiisa ng mga barangay officials sa pagbabakuna.