DILG, ipinaubaya na sa Tagaytay City LGU ang pagpapahintulot ng operasyon ng mga negosyo sa lungsod

Ipinauubaya na ng Department of Interior and Local Government (DILG) sa lokal na pamahalaan ng Tagaytay City kung papayagan muli ang mga negosyo na magbukas sa gitna ng pag-aalburuto ng Bulkang Taal.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año – idineklara ng Phivolcs ang Tagaytay bilang ligtas na lugar dahil sa mataas na lokasyon nito.

Ang Phivolcs aniya ay nagbigay ng listahan ng 199 na barangay para sa mandatory evacuation at ibig sabihin lamang nito ay lahat ng mga negosyo rito ay sarado.


Sinabi ni Año – may mga lugar sa Tagaytay na halos malapit na sa 14-kilometer radius.

Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng anunsyo ni DILG Undersecretary Epimaco Densing na ang lahat ng commercial activities sa loob ng 14-kilometer danger zone sa paligid ng bulkan ay ipagbabawal.

Samantala, sinabi ni Tagaytay City Disaster Risk Reduction and Management Office Chief Clyde Yayong – ituturing nilang rekomendasyon ang sinabi ni Densing pero magpapatuloy ang business operations sa lungsod.

Patuloy din ang cash-for-work program sa mga residenteng nawalan ng trabaho dahil sa pag-aalburuto ng bulkan.

Facebook Comments