DILG Isabela, Nagpasaring sa umano’y ‘Paepal’ na Pulitiko ngayong Pandemya

Cauayan City, Isabela- Nagpatutsada ang Department of Interior and Local Government (DILG) Isabela sa umano’y mga ‘paepal’ na sinasamantala ang ginagawang kaliwa’t kanang pagbabakuna sa mga priority groups kontra COVID-19.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay DILG Provincial Director Engr. Corazon Toribio, yung mga ‘epal’ umano ay mangyaring tumulong na lang ngayong dagsaan ang dumarating na bakuna.

Aniya, huwag basta maniwala sa fake news ngayong panahon ng pagbabakuna upang makatulong na maprotektahan laban sa banta ng virus.


Samantala, pinagpapaliwanag naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang Department of Health (DOH)Region 2 at Regional IATF matapos ang isinagawang roll-out ng Gamaleya Sputnik V vaccine sa Pulsar Hotel Buntun sa lungsod ng Tuguegarao.

Ayon kay Mamba, hindi umano otorisadong vaccination center ang naturang hotel gayundin ang umano’y ‘paepal’ dahil sa naglalakihang tarpaulin na nakasabit sa paligid ng center gaya nalang ng mukha ni 3rd District Congressman Jojo Lara at kanyang maybahay.

Dahil dito, nagdulot umano ng kalituhan sa mga residente ang ginagawang pagbabakuna lalo pa’t kung alinsunod bas a priority list na itinakda o sadyang may sarili itong listahan.

Sa kabila nito, inireklamo rin ni Enrile Mayor Miguel Decena kay Mamba ang sistemng ito na pagbabakuna sa hotel dahil tila pahirap pa sa mga residente ang pagpunta sa lugar para gumastos ng pamasahe ngayong maaari namang idaos sa kanilang bayan.

Reklamo pa ng alkaldea ang rason na tanging sa hotel lang umano may freezer na akma sa kailangang temperatura ng bakuna.

Kaugnay nito, kinuwestyon rin ni Mamba ang ginagawang pagbabakuna ng DOH gamit ang Sputnik V ngayong problema ang suplay nito dahilan para tanggihan ng ilang siyudad sa NCR ang naturang bakuna.

Umapela din ang gobernador sa mga awtoridad na huwag hayaang napupulitika ang pagbabakuna dahil nagdudulot lamang ito ng pagkakahati-hati ng mga mamamayan sa panahon ng laban sa pandemyang dulot ng COVID-19 virus.

Nilinaw ng Provincial Health Office na walang pahintulot ang paggamit ng Sputnik V vaccine na sa lahat ng bayan sa Cagayan.

Ngayong hapon ay nakatakdang magpatawag ng presscon ang kongresista upang sagutin ang alegasyon ni Mamba sa umano’y pamumulitika ang kanyang ginagawa.

Facebook Comments