DILG, itinanggi na pinagbabawalan nila ang mga opisyal ng barangay sa pakikilahok sa pagpapapirma sa People’s Initiative para sa Cha-cha

Nilinaw ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos na hindi nila pinagbabawalan ang mga opisyal ng barangay na makialam sa pagpapapirma sa People’s Initiative para sa Charter change (Cha-cha).

Sinabi ni Abalos na wala pa silang posisyon sa usapin.

Ani Abalos, inaantay pa nila ang gabay ng Commission on Elections (Comelec) para sa papel ng mga barangay officials sa signature campaign para sa People’s Initiative.


Aniya, may dalawang magkahiwalay na dokumento mula sa Comelec na nagbabanggaan patungkol sa pagbabawal sa mga opisyal ng barangay na makialam sa partisan activities.

Tinukoy ni Abalos ang Comelec en banc resolution na may petsang April 8, 2022, na nag-i-exempt sa mga opisyal sa prohibition sa ilalim ng Section 261 ng Omnibus Election Code.

Pero sa Comelec Joint Circular noong 2016, binabangga nito ang naturang exemption.

Binawi ng kalihim ang naunang pahayag ni DILG Undersecretary Chito Valmocina na nagbabala sa barangay officials sa pakikilahok nila sa signature campaign.

Aniya, ang pahayag ni Valmocina ay hindi posisyon ng pamunuan ng DILG.

Facebook Comments