Tiniyak ni Interior Secretary Eduardo Año na magkakaroon ng “fact-finding investigation” sa mga event na dinaluhan kamakailan nina Presidential Spokesperson Harry Roque at Senator Manny Pacquiao.
Una rito, kumalat ang mga larawan kung saan makikitang nagbibigay ng talumpati si Roque kaugnay ng pagbubukas ng Bantayan Island Airport sa Cebu sa harap ng maraming tao kung saan mapapansing hindi nasusunod ang social distancing protocols.
Paliwanag ni Roque, maging siya ay nagulat sa dami ng tao.
Ang event ay inorganisa aniya ng lokal na pamahalaan kung saan wala siyang kontrol bilang guest.
Aniya, hinimok pa niya ang mga tao magsuot ng kanilang face masks.
Samantala, nag-viral din sa social media ang sinasabing screenshot ng Instagram stories ng asawa ni Pacquiao na si Jinkee kung saan makikitang nagsasalita sa harap ng maraming tao ang senador sa isang event sa Batangas.
Ayon kay Año, iimbestigahan nila ang insidente at titingnan kung may dapat mapanagot.
Kasabay nito, hinimok ng kalihim ang mga opisyal ng gobyerno na huwag magsagawa ng mass gathering kung hindi nila kayang sumunod o ipatupad ang health standards partikular ang social distancing.