Nagpulong ngayong araw ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) hinggil sa inihihirit na extension ng mga Local Government Units (LGUs) sa pamimigay ng ayuda sa mga apektadong residente sa NCR Plus areas.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Usec. Jonathan Malaya na mayroon kasi silang mga natanggap na formal request kaugnay rito.
Ilan aniya sa mga LGU na umapela ng palugit ay ang Muntinlupa, Valenzuela City, Quezon City, mayroon ding mula sa Bulacan, Rizal, Laguna at Cavite.
Ani Malaya, ang magiging desisyon sa bagay na ito ay dedepende sa ibibigay na dahilan ng LGU at maging sa mismong sitwasyon sa mga barangay.
Isang valid reason aniya para pagbigyan nila ang hirit na extension ay sa ilang munisipyo sa Bulacan na kung saan tinamaan ng COVID-19 ang kanilang mga kawani at nagkaroon ng lockdown.
Pangalawa, ang sitwasyon sa Lungsod ng Quezon at Manila kung saan napakaraming bibigyan ng ayuda.
Kasunod nito, nasa kamay na ng LGU ang paraan kung paano nila ipamumudmod ang ayuda, ito man ay “house to house” o kukuhanin sa barangay.