Maglalabas ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng guidelines hinggil sa pre-election campaign activities.
Kasunod ito ng hindi nasusunod na COVID-19 health protocols tulad ng social distancing sa mga aktibidad na isinasagawa ng mga kandidato para sa 2022 elections.
Ayon kay DILG Spokesperson Undersecretary Jonathan Malaya, maglalabas sila ng guidelines na susundin para sa motorcades at caravans kung saan ay mayroon lamang isang “designated lanes” na papayagan na magamit ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya.
Aniya, ia-identify rin ang assembly area, eksaktong take-off time, at walang programa habang nagsasagawa ng aktibidad.
“Supposedly po ang guidance will come from the Comelec ‘no. Pero in this case na ang sinasabi ng Comelec ay may loophole, kami na po sa DILG ‘no, si Secretary Eduardo Año po ay maglalabas ng memorandum circular tungkol sa mga pre-election campaign activities at papaano makakuha ng permits para sa mga activities na ito,” ani Malaya
Kasabay nito, nagbabala si Malaya sa organizer na mananagot sila kung magsasagawa ng gathering na walang kaukulang permit galing sa Local Government Units (LGUs).
“Kung sa tanong po na sino ang mananagot, well, unang-una po diyan ay ang organizer at ang kandidato na siyang nag-organisa ng isang pagtitipon na walang permit mula sa local government unit. Kasi since sila ang organizer, tungkulin nila na ipatupad iyong batas doon sa kanilang event. Pangalawa, nandiyan din of course ang tungkulin ng mga LGUs na masunod iyong mga minimum public health standards at kasama na rin po ang ating kapulisan dahil ang ating kapulisan ay ang law enforcers,” dagdag ni Malaya
Batay sa calendar of activities na ng Commission on Elections (COMELEC), ang simula ng campaign period ay sa Pebrero 8, 2022 para sa national candidates at Marso 25 naman para sa local candidates.