DILG, magsasagawa ng infra audit sa mga lugar na may active fault lines

Nagkasa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng Infrastructure Audit sa mga critical infrastructure sa bansa, partikular sa mga lugar na may aktibong fault line.

Layon nito na magkaroon ng standardized assessment gamit ang IA tool na dinebelop ng national government, mga local government agencies at ibang stakeholders

Priyoridad dito ang mga pangunahing gusali ng mga local government units na naghahatid ng mga essential services, gaya ng mga ospital, school buildings, government offices at mga emergency response facilities.

Ang Audit findings ay titipunin bilang integrated database para sa risk assessment, planning at policy development ng national government at sa local levels.

Alinsunod na rin ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos na palakasin ang disaster preparedness sa bansa lalo na sa banta ng pagtama ng malakas na lindol.

Ang mga local chief executives ng mga local government unit o LGU ang mamumuno sa audit team kasama ang civil society at mga engineering experts.

Inaatasan naman ang mga DILG Regional Offices na magtatag ng Local Infrastructure Learning Hubs upang suportahan ang LGU audit teams.

Facebook Comments