DILG, makikialam sakaling magka-tensyon sa transition ng mga bagong nanalong barangay official

Ipinahayag ni Interior Secretary Benhur Abalos na nakahanda silang pumagitna sa sandaling magkaroon ng problema o tensyon sa transition para sa mga bagong nanalong barangay official.

Magugunita na nagbigay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng tatlong linggong transition period para mai-turnover ng mga outgoing barangay official ang mga gamit at mahahalagang records sa barangay.

Aminado si Abalos na dating alkalde ng Mandaluyong na nagkakaroon minsan ng tensyon sa mga barangay sa panahon ng transition dahil may mga hindi matanggap ang pagkatalo.


Sa ganitong pagkakataon aniya ay posible magkaproblema ang inventory team na silang magbabantay sa transition.

Pagtitiyak ng kalihim, handa silang bumaba sa grounds sakaling magka-tensyon.

Sa ngayon naman aniya ay walang namo-monitor ang DILG na problema sa panahon ng transition.

Facebook Comments