DILG, makikipagdayalogo sa Cebu LGU hinggil sa pagtanggap nito ng mga hindi bakunadong turista

Makikipag-usap ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa lokal ng pamahalaan ng Cebu kasunod ng pag-apruba ng gobernador nito na papasukin ang mga hindi bakunadong turista sa probinsya.

Ayon kay DILG Usec. Jonathan Malaya, hindi nila alam kung sumangguni ang local government unit ng Cebu sa regional agency o central office tungkol sa pinakabagong polisiya nito.

Nauna nang binuksan ng bansa ang border nito sa mga fully vaccinated na turista mula sa 157 visa-free na bansa ngunit iginiit ni Malaya na tanging ang Inter-Agency Task Force (IATF) lamang ang naglabas ng pambansang patakaran hinggil dito.


Dagdag pa ng opisyal na hindi ito ang unang beses na nagkaroon ng kaparehong suliranin sa ipinatupad na polisiya ng probinsya ng Cebu kung kaya’t muling makikipag-usap ang DILG dito upang umayon ang probinsya sa patakaran ng pambansang pamahalaan.

Matatandaang noong nakaraang taon ay inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Cebu LGU na sundin ang mga IATF protocol matapos nitong payagan ang COVID-19 testing sa mga pasahero pagdating nito sa airport, na dapat ay isasagawa sa ika-pitong araw ng quarantine.

Facebook Comments