DILG, may hinalang hindi bakasyon ang pinunta ni Cabral sa Baguio

Umaasa ang Department of Interior and Local Goverment o DILG na mas mabibigyang linaw na ang pagkamatay ni dating Department of Public Works and Highways o DPWH Usec. Catalina Cabral kapag napasakamay na nila ang ginamit na cellphone ni Cabral.

Ayon kay DILG Sec. Jonvic Remulla, ito ay matapos maghain ng search warrant sa korte ang Philippine National Police (PNP) para masuri ang mga gadget ni Cabral.

Aniya, kabilang sa mga nais nilang malaman ay kung may banta si Cabral sa kanyang buhay, sino ang mga nakausap bago namatay, kung may nakabinbing transaksiyon at kung sino ang kausap niya isang linggo bago ang insidente.

Kasunod nito inilabas na rin ni Remulla ang nilalaman ng post mortem examination sa labi ni Cabral.

Lumalabas na matindi ang pinsala sa kanang mukha, bungo maging sa tadyang ni Cabral na senyales umano ng forward motion noong tumalon ito sa bangin.

Isa namang nakikitang dahilan ng DILG kung bakit umakyat ng Baguio City si Cabral ay ang labis nitong pagkabagabag sa overpriced na rock netting project.

Lumalabas kasing sobrang laki ng patong sa materyales na ginamit sa rock netting.

Sinabi ni Remulla na nasa ₱325 kada square meter lamang ang ginamit na material pero lumagpas sa ₱1,400 ang ipinatong sa presyo ng proyekto.

Facebook Comments