Nanawagan ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga witness sa mga insidente ng pagdukot sa mga sabungero na makipag-tulungan sa mga awtoridad upang tuluyan nang malutas ang kaso.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, naniniwala siyang mareresolba agad ito kung tutulong sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) ang mga nakasaksi.
Kasunod nito, nagbanta naman si Año sa mga witness na kakasuhan sila ng 31 counts ng kidnapping sakaling hindi pa rin sila lumitaw para sa imbestigasyon.
Giit ng kalihim, hindi biro ang 31 buhay na nawawala at 31 pamilya na hindi makatulog dahil sa kakahanap sa kanilang mga kaanak.
Una nang inihayag ni Senator Ronald “Bao”t dela Rosa na nagsampa na ng kasong obstruction of justice ang PNP laban sa pamunuan ng mga sabungan.
Sa isinagawang hearing ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs noong Huwebes, inamin ng ama ng isa sa mga nawawalang sabungero na mismong ang security guards ng isang sabungan sa Maynila ang dumukot sa kaniyang anak.
Samantala, muling magsasagawa ng pagdinig ang senado sa Huwebes, Marso 3 kaugnay sa pagkawala ng 31 sabungero.