Binalaan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año ang local chief executives na masyadong mahigpit sa pagtanggap ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kanilang mga nasasakupan.
Reaksyon ito ng kalihim matapos makatanggap ng reklamo na ang ilang Local Government Units (LGUs) ay nagmamatigas na papasukin ang mga OFW at hinahayaan lamang ang mga ito na manatili hanggang pier.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Año na sinisiguro naman nilang bago magsibalik sa kani-kanilang probinsya ang mga OFW ay negatibo ang mga ito sa COVID-19 base na rin sa kanilang PCR test results kung kaya’t walang dahilan ang mga local chief executive para hindi tanggapin ang mga OFWs.
Babala ni Año, siya mismo ang hahabol sa sinumang gobernador o mayor na tatangging tumanggap sa kanilang lalawigan ng mga nagsipag-uwing OFWs.