Nagbabala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa publiko na posibleng magpatupad ng hard lockdown kung patuloy na lumobo ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ito ang ulat ng DILG kasabay ng pagpapatupad ng dalawang linggong general community quarantine bubble sa NCR+.
Ayon kay DILG Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya, hinihikayat ang mga tao na manatili sa loob ng kanilang bahay at iwasan ang non-essential travels lalo na at kumakalat ang mas nakakahawang variants ng COVID-19.
Importanteng ipagpaliban muna ang mga leisure travels at mga planong vacation trips.
Pero nilinaw ni Malaya na pwede ang staycation sa Metro Manila at sa area bubble.
Aabot sa 20 police checkpoints ang itinayo sa mga boundary ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal para mapigilan ang anumang non-essential travels.
Ang mga essential travelers na tatawid ng ibang border ay kailangang magpakita ng mga dokumento na nandoon ang kanilang trabaho.
Sakop nito ang mga emergency at health frontline services personnel, government personnel, humanitarial company personnel, at mga indibiduwal na bumibiyahe para sa medical o humanitarian reasons.
Ang mga pupunta abroad, pabalik ng Metro Manila, at mga returning OFWs ay papayagang pumasok.
Ang mga pribado at pampublikong sasakyan na papasok at palabas ng Metro Manila ay iinspeksyunin sa mga checkpoints.