DILG, nagbabalang ipasasara ang mga mall kapag hindi nasunod ang health protocols kontra COVID-19

Nagpaalala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga may-ari ng mga mall na sundi ang anti-COVID-19 protocols, kung hindi ay ipapasara nila ang kanilang establisyimento.

Ayon kay DILG Spokesperson, Undersecretary Jonathan Malaya, nababahala sila sa mga ulat na maraming tao ang dumagsa sa mga mall at hindi nasunod ang health protocols.

Aniya, posibleng mauwi ito sa second wave ng COVID-19 infection.


Iginiit ni Malaya na pinapayagan ang mga mall na magbukas pero sa limitadong operasyon lamang.

Inatasan na rin ni DILG Secretary Eduardo Año ang may-ari ng mga mall at mga alkalde na tiyaking nasusunod ang health at safety protocols.

Sinabi ni Malaya na kapag nagpatuloy ang paglabag ay mapipilitan silang ipasara ang mga ito.

Una nang naglabas ng ganitong babala ang Malacañang at Joint Task Force COVID Shield.

Facebook Comments