Hinihintay na lamang ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang notice mula sa Commission on Election (COMELEC) kung mayroon mga lokal na kandidato ang hindi nagsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) kaugnay sa nagdaang eleksyon.
Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni DILG Usec. Epimaco Densing III na layon nitong makapaglabas rin sila ng notice, para mapagsabihan ang mga opisyal na hindi sila maaaring maupo sa opisina, hangga’t hindi sila nabibigyan ng clearance ng COMELEC.
Sa kasalukuyan aniya, wala pa silang natatanggap na komunikasyon mula sa COMELEC kung sino o kung mayroong mga nanalong local officials ang hindi nagsumite ng kanilang SOCE.
Matatandaan na una nang sinabi ng COMELEC na ang mga nanalong kandidato na mabibigong makapaghain ng SOCE ay bibigyan ng hanggang anim na buwan para makapag-comply.
Hangga’t hindi nakakatalima ang mga ito, ang napanalunan nilang posisyon ay idi-deklarang bakante.
Kung mabibigo ang mga ito na mag-comply, magiging permante ang deklarasyon ng bakanteng posisyon, at pagmumultahin ang mga ito.
Habang ang mga natalong kandidato naman na bigong magsumite ng SOCE, makalipas ang itinakdang deadline, ay mahaharap sa administrative sanctions.