Nagpalabas ng memorandum ang Department of the Interior and Local Government (DILG) na nag-aatas sa mga local chief executive na huwag manguna sa rollout ng COVID-19 vaccine.
Inisyu ni Officer-in-Charge at Usec. Bernardo Florece Jr. ang kautusan kasunod ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte sa ahensya na imbestigahan ang mga Local Government Unit (LGU) officials na sumingit sa pagbabakuna.
Pinayuhan ni Florece ang mga governor, mayor at ibang local government officials na sundin ang prioritization protocols.
Ani Florece, malinaw ang intensyon ng national government na unahin ang mga inaprubahang priority list ng Department of Health (DOH) dahil mahalagang mauna ang mga medical frontliners bilang proteksyon sa health care system ng bansa.
Nauna nang inisyuhan ng show cause order ang limang alkalde upang pagpaliwanagin kung bakit naunang nagpabakuna kontra COVID-19.