DILG, naglabas na ng guidelines para sa distribusyon ng ECQ ayuda sa NCR

Naglabas na ng alintuntunin ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa distribusyon ng financial assistance sa mga indibidwal na apektado ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Kasunod ito ng pag-apruba ngayong araw sa Joint Memorandum Circular (JMC) ng DILG, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of National Defense (DND).

Batay sa JMC No. 3, ang mga Local Government Units (LGUs) sa NCR ay maaari nang magsimulang mamigay ng ayudang pinansyal sa kalagitnaan ng susunod na linggo.


Nakasaad sa guidelines na makatatanggap ng P1,000 per low-income individual at maximum P4,000 per low-income family na apektado ng 2-week ECQ.

Bibigyan naman ng fifteen (15) calendar days ang mga LGU na maipamigay ang ECQ ayuda, pero, maaari naman itong palawigin kung hihilingin ng concerned LGUs.

Kabilang sa mga target beneficiaries ng ayuda sa NCR ay mga low-income individuals at mga pamilya na tinukoy ng mga LGU na permanente o pansamantalang residente sa kanilang lungsod o munisipalidad.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, magkakaloob ang DSWD ng technical assistance sa mga LGU habang imo-monitor ng DILG ang distribusyon ng financial assistance ng mga LGU.

Bawat LGU ay kinakailangang lumikha ng sariling Grievance and Appeals Committee para tumanggap ng mga reklamo kaugnay sa distribusyon ng ECQ ayuda.

Facebook Comments