Manila, Philippines – Nagpalabas ng Show Cause Orders ang Department of the Interior and Local Government sa may 108 na local chief executives na nabigong maghanda at magsumite ng 10-taong Solid Waste Management Plan na inoobliga sa ilalim ng Republic Act 9003.
Karamihan sa mga LGUs ay mula sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na abot sa 78. Sa kabuuang bilang 31 dito ay nasa Lanao Del Sur; 18 sa Sulu; 11 sa Maguindanao; at tig 9 sa Basilan at Tawi-Tawi.
Limang LGUs naman mula sa MIMAROPA, 8 sa Region 5 ; 1 sa Region 6; at tig 4 sa Regions 2, CALABARZON, region 7 at Region 8 ang makakatanggap din ng show cause orders mula sa DILG.
Katwiran pa ni DILG Secretary Eduardo Año, matagal ng panahon na ipinatutupad ang Solid Waste Management Plan na requirement ng batas ngunit binabalewala lamang ito.
Binigyan lamang sila ng 10 araw para magsumite ng kani- kanilang paliwanag ukol dito.
Hindi muna pinangalanan ng DILG ang mga apektadong LGUs alinsunod sa polisiya ng ahensiya.