
Naglabas ng ₱1 milyong reward ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa pagkakaaresto sa gunman at anim pang suspek sa pagpatay kay Police Staff Sergeant Renato Casauay Jr., na natagpuang itinapon sa isang septic tank.
Pitong araw na nawawala si Casauay bago natunton ang lugar ng krimen matapos magbigay ng impormasyon ang isang testigo.
Batay sa imbestigasyon, iniutos umano ng gunman na si Julian Salamat, na isang asset, ang pagpatay kay Casauay dahil itinuturing umano itong “problema.”
Ayon kay PRO-3 Director Police Brig. Gen. Rogelio Peñones, nag-ugat ang krimen matapos mahuli ni Casauay ang tauhan ni Oliver Mauricio, isang high-value individual (HVI) sa ilegal na droga at may-ari ng bahay na pinangyarihan ng krimen.
Sa ngayon, apat na suspek na ang hawak ng mga awtoridad, kabilang ang isang pulis na si Police Corporal Vivencio Abalos, na nabigong umaksyon sa reklamo at hindi umaresto sa gunman; si Mauricio; at dalawa pang indibidwal na umano’y naglinis ng crime scene.
Patuloy namang tinutugis ang pitong suspek, kabilang si Salamat at iba pang pinaniniwalaang kasabwat, na ilan ay mga tricycle driver na miyembro ng isang TODA.
Itinuturing na solved case na ng DILG ang insidente, habang nagpapatuloy ang operasyon para sa pagkakaaresto sa mga natitirang suspek.










