DILG, nagpaalala sa publiko na isang kasong kriminal ang pagsuway sa quarantine rules sa harap ng banta ng COVID-19 pandemic

Nagbabala ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa publiko na isang direktang paglabag sa batas ang pagsuway sa umiiral na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Sinabi DILG Secretary Eduardo M. Año na sa ilalim ng Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act, ituturing na kasong kriminal ang pagsuway sa quarantine directives.

Mahaharap sa kaparusahan tulad ng multa o pagkaaresto ang sinumang indibidwal na mahuhuling pumupuslit sa mga checkpoints patungong mga probinsiya lalo na kung ang pakay ay hindi naman lubhang kinakailangan.


Ani Año, hindi ito panahon ng pagbabakasyon kundi panahon ng pakikiisa sa paglaban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pananatili sa bahay.

Batay sa report ng DILG Region 1, may mga residente na galing ng Metro Manila ang stranded sa labas ng hangganan ng Pangasinan dahil sa pagtatangkang pumuslit doon.

Ganito rin ang sitwasyon sa Quezon Province, Zamboanga City at Camarines Sur na pinigil ang mga galing ng Metro Manila.

Dahil dito, inatasan ng ahensya ang Philippine National Police (PNP) na gawing mas agresibo pa ang pagbabantay sa mga checkpoints sa kanilang mga nasasakupan.

Facebook Comments