Nagpadala na ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng augmentation ng contact tracers sa Pasay City mula sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa Metro Manila.
Ayon kay Pasay City Contact Tracing Head Miko Llorca, mula ang augmentation ng contact tracers sa Parañaque at Taguig habang isinasapinal pa ang mga manggagaling sa Caloocan.
Aniya, malaking tulong ito sa paghahanap ng active cases sa lungsod at makapagsuri ng mas maraming tao at agad na ma-isolate ang residenteng nagpopositibo.
Maliban dito, sinabi rin ni Llorca na patuloy ang isinasagawa nilang testing at contact tracing para sa mga nakasalamuha ng apat na residente nitong nakitaan ng South African variant ng COVID-19.
Bagama’t gumaling na ang tatlo sa mga ito, muli aniya silang ite-test, maging ang mga naging close contact nila.
Una nang isinailalim sa Localized Enhanced Community Quarantine ang 77 barangay sa lungsod para maiwasan pa ang pagkalat ng COVID-19.