DILG, nagpaliwanag kung bakit hindi pa rin tapos hanggang ngayon ang pamamahagi ng ayuda sa mga biktima ng Bagyong Odette

Nahihirapan ang mga lokal na pamahalaan sa pagproseso ng ayuda para sa mga biktima ng nagdaang Bagyong Odette dahil sa kawalan pa rin hanggang ngayon ng kuryente at signal sa ilang lugar sa rehiyon.

Paliwanag ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Eduardo Año kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang Talk to the People, medyo mahirap din na marating ng LGUs ang mga liblib na lugar kung saan nananatili o nakatira ang mga benepisyaryo.

Maliban dito, may mga alkalde aniya na nag iingat sa pamimigay ng pondo dahil kailangan munang magkaroon ng sangguniang bayan resolutions na susuporta sa pormal na distribusyon ng ayuda bilang requirement ng Commission on Audit.


Sa ngayon, nasa 74.94% pa lamang ng kabuuang P4.85 bilyon pondo ang naipamahagi na.

Kasunod nito, sinabi ni Año na binigyan nila ng sapat pang panahon ang mga Local Government Unit (LGU) para maipamahagi ang ayuda pero dapat itong matapos kaagad bilang pantustos sa pangangailangan ng mga biktima ng Bagyong Odette.

Facebook Comments