DILG, nagpaliwanag kung bakit kailangan ng checkpoints sa ilalim ng MECQ

Iginiit ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya na kailangan pa rin ng Quarantine Control Points (QCP) sa Metro Manila kahit umiiral na ang Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).

Ayon kay Malaya, layunin nito na makontrol pa rin ang mga tao na lumalabas ng bahay.

Aniya, sa ilalim ng MECQ, hindi lang kasi mga frontliner at mga medical worker ang nasa labas ng tahanan, pinapayagan na rin ang ilang manggagawa na pumasok sa kanilang mga trabaho sa mga authorized industries.


Sa datos ng DILG, marami pa rin ang hindi sumusunod sa mga health protocol o panuntunan na ipinatutupad ng Inter-Agency Task Force (IATF) kaugnay sa pagpapababa ng bilang ng kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Kaya naman aniya nananatili ang checkpoints o QCP sa Metro Manila upang matiyak na tanging mga Authorized Persons Outside Residence (APOR) ang mga nasa lansangan o dadaan sa mga checkpoint.

Patuloy namang inaayos ng DILG ang mga panuntunan na ipatutupad sa mga checkpoint upang mapabilis pa ang takbo ng mga sasakyan sa mga control point sa loob ng Metro Manila at maiwasan ang mahabang pila ng mga sasakyan.

Facebook Comments