Sinampahan na ng kaso ni Department of the Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang nagpakalat ng malisyoso at maling impormasyon na sinabi niya diumano na mag-physical distancing ang mga mag-asawa o magpartner matapos mag-sex.
Kinumpirma mismo ni DILG Undersecretary and Spokesperson Jonathan Malaya na pormal nang kinasuhan si Gabriel Marvin Cabier, ang 26-anyos na residente ng Cebu City, matapos makumpleto ng Philippine National Police ang kanilang imbestigasyon.
Kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code o ang Unlawful Use of Means of Publication and Unlawful Utterances in relation to Section 6 of Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 at Article 142 RPC as amended by Presidential Decree 1974 in relation to RA 10175.
Ayon kay Malaya, ang pagsasampa ng kaso ay isang paalala na maging responsable ang sinuman sa ipino-post sa social media.
Payo ni Malaya, gamitin ang social media para sa kabutihan lalo na at nahaharap sa isang matinding krisis ang bansa.