Nagtalaga na si Interior and Local Government Sec. Eduardo Año ng Officer-in-Charge (OIC) para sa iniwang pwesto ni National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairman at Executive Officer Atty. Rogelio Casurao.
Ani Año, pansamantalang pamumunuan ni NAPOLCOM Commissioner Felizardo Serapio ang puwesto ni Casurao hanggang sa mayroon nang mapili si Pangulong Rodrigo Duterte na permanenteng papalit sa kaniyang posisyon.
Si Serapio ay naitalaga sa NAPOLCOM bilang isa sa mga Commissioner nito noong 2016 kasabay ni Casurao na kumakatawan sa sektor ng Law Enforcement.
Bago italaga sa NAPOLCOM, nagsilbi muna si Serapio bilang Undersecretary at pinuno ng Law Enforcement and Security Integration Office sa ilalim ng Office of the Executive Secretary.
Nagsilbi rin siyang pinuno ng International Police (INTERPOL) matapos magretiro sa Philippine National Police (PNP) noong 2010 kung saan naging pinuno ito ng DIPO Western Mindanao, Direktor ng PNP Region 12 at naging pinuno rin ng PNP Special Action Force (SAF).