DILG, nakapagtala ng apat na patay at 60 sugatan sa naranasang pagyanig sa ilang lugar sa Region 1 at CAR

Apat na ang naitatalang nasawi sa naranasang malakas na pagyanig sa ilang lugar sa Region 1 at Cordillera Administrative Region (CAR).

Ito ang iniulat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos sa harap ng nagpapatuloy na assessment na ginagawa ng mga Local Government Unit (LGU) sa mga lugar na matinding apektado ng pagyanig.

Iniulat pa ni Abalos sa isinagawang press briefing sa Malacañang na 60 na ang naitalang nasugatan karamihan dito ay mga taga-Abra na umabot sa 44.


Kaugnay nito, iniulat din ni Abalos na hanggang ngayon ay mayroon pa ring mga saradong kalsada, tulay at nakapagtala ng 31 mga landslide na karamihan ay nasa Abra na may 44.

Dahil dito, nagpahayag ng takot si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na posibleng mas hindi maging maganda ang sitwasyon ng mga naapektuhan ng lindol kung magkakaroon ng pag-ulan sa mga susunod na araw.

Sa kanyang press briefing sa Malacañang, sinabi nitong hindi pa ligtas na bumalik sa kanilang mga bahay ang mga residenteng apektado hanggat ito naiinspeksyon.

Sa huli tiniyak naman ng pangulo na gagawin ng gobyerno ang lahat para matulungan ang mga nabiktima ng malakas na lindol.

Facebook Comments