Umaapela ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga Local Government Units (LGUs) na ilibre na lamang ang mga medical certificates na kanilang iniisyu sa mga locally stranded passengers.
Ayon kay DILG Undersecretary Jonathan Malaya, may nakarating sa kanilang impormasyon na may isang LGU sa Batangas ang naningil ng ₱3,000 mula sa isang stranded passenger kapalit ng kanyang medical certificate.
Ayon kay Malaya, ang medical certificate kasi ang kinakailangang ipakitang dokumento upang mapagkalooban ang isang stranded na pasahero ng travel authority para ito ay makabalik sa kanyang lalawigan o dito sa Metro Manila.
Pero paliwanag ni Malaya, agad naman nilang naaksyunan ang reklamo at sa ngayon, ‘very minimal’ o maliit na halaga na lamang ang sinisingil ng mga LGU upang makakuha ng sertipikasyon na ligtas ang stranded na pasahero mula sa COVID-19.
Kaya apela nito, ibalato na lamang sa mga stranded passengers ang mga sertipikasyon dahil paniguradong ubos na rin ang kanilang ipon nang abutan sila ng dalawang buwang lockdown.