
Naniniwala ang Department of Interior and Local Government (DILG) na nagsagawa muna ng survey si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral sa lugar bago ito tuluyang tumalon sa bangin sa bahagi ng Kennon Road, Tuba Benguet.
Ayon kay Local Government Secretary Jonvic Remulla, pinahinto ni Cabral ang driver sa naturang lugar bago ito magdesisyon na tumuloy sa kanilang hotel sa Baguio City.
Nakita umano ni Cabral na magiging matindi ang pinsala kapag bumagsak o nahulog siya sa naturang bangin na sinasabing katumbas ng ilang palapag ng gusali.
Ani Remulla, base sa salaysay ng driver nito na una na silang sinita ng mga awtoridad dahil ipinagbabawal ang pagparada at pagtambay sa lugar dahil sa mapanganib ito.
Matatandaan nito lamang Setyembre nang magbitiw sa puwesto si Cabral matapos ang imbestigasyon dahil sa umanoy anomalya sa pondo ng mga flood control projects.
Nadawit si Cabral sa akusasyon na tumanggap ng kickbacks gayundin ang mga mambabatas at ilang opisyal ng gobyerno.










