Nauunawan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang katayuan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na suspindehin ang business permit ng North Luzon Expressway (NLEX) Corporation dahil sa matinding trapikong idinulot ng cashless toll collection system.
Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, may maayos na paraan para resolbahin ang mga problema.
Aniya, ginawa lamang ni Mayor Gatchalian ang sa tingin niya ay tama para sa kaniyang mga constituents para resolbahin ang buhol-buhol na trapiko sa NLEX toll booths.
Iginiit naman ni Mayor Gatchalian na mananatili ang suspension ng business permit ng NLEX Corporation hanggang sa makabuo sila ng kongkretong solusyon sa problema.
Mananatili ring nakataas ang toll gate booms para makadaan ang mga motorsita.