Nag-survey si Pangulong Duterte sa publiko kaugnay sa pananaw ng Pilipino sa online sabong o e-sabong.
Inatasan niya ang Department of the Interior and Local Government (DILG) para magtanong-tanong sa mga residente kung nais pa ba nilang ituloy ang online sabong at kung ano ang totoong epekto nito sa tao.
Ayon kay DILG Sec. Edwardo Año, matapos ang masinsinang pag-uusap nila ni Pangulong Duterte noong April 19, nagsagawa na agad sila ng survey.
Lumalabas sa kanilang pag-aaral na karamihan sa mga Pilipino na kanilang natanong ay ayaw ng e-sabong.
Sa katunayan aniya, sinabi ni Año na 68% ang highly disagree o ang nagsabing hindi nakakatulong ang e-sabong sa kanilang pinansyal.
62% naman ang nagsasabing dapat suspindehin ang operasyon ng e-sabong.
Kabilang din sa naging basehan ng pangulo na itigil ang e-sabong ang moral issue tulad ng adiksyon.
Ito raw ang sobrang malala dahil hahanap at hahanap ng pera ang manlalaro basta makapagsugal lang.
Kabilang na rito ang pagbebenta ng anumang gamit hanggang sa pagbenta ng sariling anak sa sobrang lulong sa sugal, at pag gawa ng krimen ng mga Pilipino kabilang na ang pulis.
Marami rin silang natanggap na ulat na maraming ang hindi na makapagtrabaho dahil sa e-sabong, mga nabaon sa utang, naghiwalay na pamilya at natigil sa pag-aaral.
Kabilang din sa naging basehan ay pagkawala ng mga nawawalang sabugero.
Ayon kay Año, matapos ang kautusan ng pangulo na itigil na ang e-sabong, maglalabas ng memorandum para sa agarang pagpapatupad.
Sa tulong ng Department of Justice, National Bureau of Investigation at pulis, pupuntahan ang lugar kung saan nag-ooperate ang online sabong.
Katulong din ang DICT para sa pagpapatigil ng pag-ere online ng sabong at mga ahensya ng gobyerno na nangangasiwa ng ligal na sugal.
Tiniyak ng DILG na hindi na mag-ooperate ang online sabong hanggang matapos ang Duterte admistrasyon habang umaasa naman sila na ito ay ipagpapatuloy ng susunod na admistrasyon matapos na malinaw na nakita ang malalamg epekto ng e-sabong sa Pilipino.