DILG, nilinaw na bawal magbenta ng alinmang gamot sa sari-sari store

Binigyang diin ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Usec. Jonathan Malaya na walang exemption sa batas kung saan ipinagbabawal ang pagbebenta ng mga gamot sa mga sari-sari store.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni Malaya na saklaw nito ang lahat ng over the counter medicines tulad ng gamot kontra sakit sa ulo, ubo at sipon.

Ani Malaya, tanging ang mga sari-sari store lamang na mayroong lisensya mula sa Food and Drug Administration (FDA) ang pwedeng magbenta ng mga gamot.


Una nang naglabas ng memorandum ang DILG sa mga LGUs hinggil sa pagbabawal na magtinda ng mga sari-sari store ng mga gamot.

Sinuman aniyang lalabag sa RA 10918 o Philippine Pharmacy Act ay maaaring magmulta nang P100,000 hanggang P200,000 at pagkakakulong ng hanggang isang taon.

Samantala, pinayuhan ni Malaya ang publiko na tangkilikin lamang ang mga gamot na mabibili sa botika upang hindi mabiktima ng fake medicines.

Facebook Comments