Sinisilip na ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang panawagang palawigin ang pamamahagi ng financial assistance ng pamahalaan sa Metro Manila at apat na kalapit probinsya na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Ayon kay DILG Officer-In-Charge Bernardo Florece Jr., ikinokonsidera ng pamahalaan na i-extend ang deadline para sa pamamahagi ng ayuda lalo na sa matataong komunidad.
Aminado si Florece na ang rate na 1,000 o 500 beneficiaries kada araw, na kasalukuyang deadline ng cash aid distribution sa NCR plus ay malabong maabot.
Ang pay-out process ng mga Local Government Unit (LGU) sa NCR Plus ay halos sabay-sabay nagsimula maliban sa Naic, Cavite na hindi pa nag-uumpisa dahil binubusisi pa ang listahan ng mga benepisyaryo.
Mayroong tatlong barangay rin sa Metro Manila ang hindi pa nakakapagsimula ng pay-out.
May ilang barangay na ipinapadala ang ayuda sa mga benepisyaryo sa pamamagitan ng online transactions.